DNA test ni Poe, negatibo
MANILA, Philippines — Inami ni Presidential aspirant Sen. Grace Poe ngayong Miyerkules na negatibo ang naging resulta ng kaniyang DNA test sa mga posible niyang kamag-anak.
Isa ang DNA test sa nakitang paraan ni Poe upang mapatunayang isa siyang natural-born citizen.
Sa kabila ng resulta ay kumpiyansa pa rin ang senadora na mananalo siya sa kaso.
"Wala po akong duda sa aking puso, sa aking isip, ako po ay Pilipino," pahayag ni Poe sa kaniyang panayam sa dzMM.
Naghain ng disqualification case si senatorial bet Rizalito David Senate Electoral Tribunal (SET) dahil hindi umano tunay na Pilipino si Poe.
Bukod dito ay ilang disqualification case na rin ang inihain laban kay Poe sa Commission on Election kung saan nais ng mga nagrereklamo na ibasura ang certificate of candidacy ng senadora sa parehong dahilan tulad ng kay David.
"Masuwerte na rin ako na yan ang isyu at hindi pagnanakaw at hindi pagganap ng iyong trabaho," banggit niya.
Nakatakdang desisyunan ng SET ang disqualification case ni Poe sa Nobyembre 5.
Sa pagdinig ng SET noong Setyembre ay sinabi ni Supreme Court senior Associate Justice Antonio Carpio na bilang isang foundling, si Poe ay isang naturalized citizen at hindi natural born, kaya naman hindi siya maaaring tumakbo o humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Sinabi pa ni Carpio na makatutulong nga ang DNA test upang mapatunayan ni Poe na isa siyang tunay na Pilipino.
“If you have a conclusive match that is a conclusive presumption, if you have a DNA match, that would solve all our problems here because you cannot argue against that anymore,” ani Carpio.
- Latest