‘Pag kinailangan Rep. Abigail tatakbong Makati mayor
MANILA, Philippines – Malaki ang posibilidad na si Congresswoman Abigail Binay ang tumakbong alkalde ng Makati sa 2016 elections.
Sinabi ni Binay na kung sakali man na kakailanganin at hindi makakatakbo ang kanyang kapatid na si suspended Makati Mayor Junjun Binay ay siya ang hahalili rito.
Dahil last term na umano niya sa Kongreso at ito ang magiging worst case scenario sakaling tuluyang gibain ang kanyang kapatid at hindi na makatakbo na alkalde kaya mapipilitan siya na tumakbo.
Subalit maghahain pa rin umano ng certificate of candidacy si Mayor Binay sa susunod na linggo dahil hindi naman final and executory ang dismissal.
Sa kabila nito umaasa pa rin ang kongresista na hindi na darating sa worst case scenario dahil may pending petition pa silang hinihintay sa Korte Suprema o Court of Appeals para paburan ang kanilang mosyon sa iligal na pagkakasuspinde sa kanyang kapatid.
Umaasa rin ito na papabor sa kanila ang desisyon ng kataastaasang hukuman kontra sa order of disqualification ng Ombudsman.
Karapatan naman umano ng kanyang kapatid na humingi ng tulong sa korte dahil hindi pa naman pinal at executory ang order of dismissal kay Mayor Binay.
Paniwala pa ni Binay na hindi naman ang kanyang kapatid ang target kundi ang kanyang amang si Vice President Jejomar Binay para pahinain at pabagsakin ito.
- Latest






















