‘Ako ang target!’- VP Binay
MANILA, Philippines – Tahasang sinabi ni Vice President Jejomar Binay na siya ang totoong target ng Ombudsman sa ginagawa nitong harassment sa kanyang anak na si Makati Mayor JunJun Binay.
Sa kanyang pagsasalita sa pagtitipon ng PDP Laban officers and members sa Manila Grand Opera Hotel, sinabi nito na ang desisyon laban sa kanyang anak na si Junjun ay pagbabawal dito na tumakbo sa anumang posisyon sa pamahalaan.
Gayunman, ipinakita ng may 300 miyembro ng PDP Laban, na pinamumunuan ni Sen. Koko Pimentel na nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pagkapangulo na nananatili ang kanilang suporta kay VP Binay.
Kabilang sa mga dumating sa pagtitipon ay PDP Laban Mimaropa, Calabarzon, Mindanao, Visayas, Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon.
Ayon naman kay Manila 3rd District Councilor Bernie Ang, ang pagdalo at nagpahayag ng suporta kay Binay ay boluntaryo at hindi sapilitan.
Sinabi ni Ang, ang PDP Laban ay madalas na nakikipag-uugnayan sa grassroots level kaugnay ng mga nangyayari sa bansa at mga solusyong dapat na isakatuparan.
Nagpasalamat naman si Binay sa PDP Laban members sa tiwala at suporta ng mga ito kasabay ng katiyakan na magkakaroon ng malinis na eleksiyon.
Subalit sakaling madaya sa halalan, posible ring humantong sa kalye ang kanilang protesta.
- Latest
















