Erap inendorso si Bongbong bilang VP
MANILA, Philippines – Inendorso kahapon ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang kandidatura ni Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang bise presidente sa 2016.
“Isang karangalan para sa akin na i-endorso si Sen. Bongbong Marcos,” sabi ni Estrada sa okasyong ginawa sa Puerta Real Garden sa Intramuros, Manila.
Sinabi ni Estrada na hindi siya nagdalawang isip na suportahan si Marcos na karapat-dapat umanong maging bise presidente dahil na rin sa lawak ng kanyang karanasan sa gobyerno.
Dumalo si Estrada sa pormal na anunsiyo ni Marcos na sinamahan ng kanyang inang si dating Unang Ginang at ngayon ay Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos at Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos na tinatanggap niya ang hamon ng panahon at hamon ng bagong henerasyon kaya siya tatakbong bise presidente ng bansa.
“Taos puso kong tinatanggap ang hamon ng panahon. Ang hamon ng bagong henerasyon. Tinatanggap ko ng buong pagpapakumbaba ang hamon ng bayan. Tatakbo ako sa susunod na halalan bilang bise presidente ng Republika ng Pilipinas,” ani Marcos bago magtapos ang kanyang talumpati.
Binanatan din ni Marcos ang kasalukuyang administrasyon na nabigo umano sa maraming bagay katulad ng pagsasampa ng kaso sa mga nasa likod ng Maguindanao massacre.
Kinuwestiyon din ni Marcos kung nasaan na ang bilyun-bilyong abuloy na galing para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Ipinaalala rin ni Marcos na hanggang sa kasalukuyan ay nakatira pa rin sa mga kubol at pansamantalang tirahan ang mga naapektuhan ng Zamboanga siege.
Sinabi rin ni Marcos na inabandona ng kasalukuyang gobyerno ang larangan ng agrikutura.
Kabilang din sa platapormang binigyang-diin ni Bongbong na hindi niya papayagang mabawasan ang lupa ng Pilipinas na ang tinutukoy ay ang usapin sa West Philippine Sea.
- Latest


















