LP, Laglagan Party na?
MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkabahala ang isang grupong nagbabantay sa pamamahala sa gobyerno sa takbo ng mga partidong politikal sa bansa sa kawalan na umano ng pagkakaisa at nangyayaring laglagan at lipatan ng mga kandidato.
Sa ipinadalang pahayag ni Alberto Vicente, ng grupong Alliance For Good Governance, tila wala nang solidong partidong politikal ngayon dahil sa pagkakawatak-watak lalo na sa Liberal Party, ilang araw bago ang paghahain ng opisyal na “certificate of candidacy” sa Commission on Elections (Comelec).
Nakakabahala umano ang pagtawag ngayon sa LP bilang “Laglagan Party” makaraan ang pagkalat ng impormasyon lalo na sa mga social media sa pag-ayaw umano mismo ni presidential candidate Mar Roxas sa ilang senatorial candidate sa partido.
Lumalabas rin umano ngayon na may kanya-kanya nang interes ang mga namumuno at mga miyembro ng LP kaya nagkakaroon ng laglagan.
Tumanggi naman ito na pangalanan ang mga personalidad na inaayawan umano ni Roxas, ngunit matatandaan na kamakailan ay lumabas ang balita na si TESDA director general Joel Villanueva ay hindi na tatakbo sa ilalim ng Liberal matapos itong sampahan ng kaso kaugnay sa PDAF scam.
Hinihinala rin na biktima ng demolition job si MMMDA Chairman Francis Tolentino kabilang ang pagpapaputok sa isyu ng malaswa umanong show ng mga babaeng dancer sa Sta. Cruz, Laguna.
May pagdududa na umano ngayon kung paano pag-iisahin ni Roxas ang bansa gayung sa kanyang partido ay nagkakaroon ng pagkakawatak-watak.
- Latest