Anak ng bgy. officials itsapwera na sa SK
MANILA, Philippines - Itsapwera na sa Sangguniang Kabataan (SK) ang mga anak ng barangay chairman at kagawad.
Ito’y matapos pumasa na rin sa ikatlo at huling pagbasa ng House of Representatives ang panukalang SK Reform Bill.
Ayon kay Sen. Bam Aquino, naunang pumasa sa Senado ang SK Reform Bill na mayroong apat na malaking pagbabago kabilang ang anti-dynasty provision, pagpapataas sa edad ng SK officers, mandatory leadership training at paglikha ng local youth development councils.
“Ipinagbabawal ng Senate version ang mga kamag-anak ng nahalal at nahirang na opisyal na umupo bilang SK, hanggang sa second level of consanguinity,” sabi ni Aquino.
Itinaas na rin ng SK Reform Bill ang age limit ng SK officials mula 15-17 patungong 18-24 years old, upang maging ligal ang pagpasok nila sa mga kontrata at mapapanagot sa kanilang aksiyon.
Kapag naisabatas, obligado rin ang SK officials na sumailalim sa leadership training programs na magagamit nila sa pagtupad sa tungkulin.
Itatakda rin ng SK Reform Bill ang paglikha ng Local Youth Development Council (LYDC), isang konseho na susuporta sa SK at titiyak sa partisipasyon ng maraming kabataan sa pamamagitan ng youth organizations.
- Latest