Patayan, panggagahasa sa Lumad sisilipin
MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan na nina Senators Loren Legarda at Grace Poe ang nakaraang insidente ng pagpatay sa mga Lumad.
Kasabay ng pagkondena, sinabi ni Legarda na dapat silipin ang pagpatay sa mga lider ng Lumad ng mga diumano’y paramilitary forces sa Lianga, Surigao del Sur.
Inihain ni Legarda, tagapangulo ng Senate Committee on Cultural Communities, ang Senate Resolution No. 1575 na humihiling na imbestigahan ang ginagawang pagpatay at harassment sa mga “indigenous communities” sa Mindanao.
Ayon sa ulat, ang mga elemento ng Magahat-Bagani Force, isang paramilitary group, ang diumano’y pumatay sina Emerito Samarca, executive director ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (ALCADEV); Dionel Campos, tagapangulo ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod (Persevering Struggle for the Next Generation or MAPASU); at Datu Juvello Sinzo, isang chieftain sa Barangay San Isidra, Lianga, Surigao del Sur.
Mahigit sa isang libong pamilya ang lumikas mula sa kanilang mga tirahan matapos ang insidente. Ang Magahat-Bagani Force ang pinaniniwalaan ring responsible sa pagpatay kay Henry Alameda at Aldren Damaguit noong 2014.
Kasabay nito, iimbestigahan din ng Philippine Army ang alegasyon na may mga sundalong gumahasa umano sa isang menor de edad na Lumad sa Davao del Norte kasabay ng pagdidiin na hindi hahayaan ng Army ang mga paglaban sa karapatang pantao sa hanay nito.
- Latest















