Pagtanggi ni Duterte sa 2016 diskarte lang
MANILA, Philippines – Isang political strategist.
Ganito inilarawan ng isang abogado si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na inihayag ang hindi niya pagtakbo sa pagkapangulo sa 2016 elections.
Dahil dito, naniniwala si Salvador Panelo na diskarte lamang ni Duterte ang pagpapahayag na magpapahinga na siya sa mundo ng politika.
Dagdag niya na magandang plano ito upang hindi batuhin ng mga akusasyon ang alkalde.
"He (Duterte) has been consistent na hindi s'ya tatakbo but his body language says otherwise," pahayag ni Panelo ngayong Miyerkules.
Patuloy ang pag-iikot ng alkalde sa iba’t ibang bahagi ng bansa at kahapon lamang ay nasa Malabon at Navotas siya.
Muli niyang iginiit na “final” na ang kaniyang desisyon at wala na siyang magagawa dito.
"Kapag sinabi nga namang 'di na s'ya tatakbo, hindi na s'ya papansinin ng mga kalaban n'ya. Maiiwasan na rin na atakihin s'ya o siraan s'ya."
Samantala, patuloy pa rin ang panawagan ng kaniyang mga taga-suporta para sa kaniyang pagtakbo sa susunod na taon.
Sa Setyembre 15 ay nakatakdang magkita-kita ang lahat ng mga taga-suporta ni Duterte sa Luneta Park sa Maynila upang kumbinsihin ang alkalde.
- Latest























