Hiring sa mga OFW tuloy - Saudi government
MANILA, Philippines – Nilinaw kahapon ng Saudi government na hindi nila ipinatitigil ang hiring o pagkuha ng mga manggagawang Pinoy sa kanilang bansa.
Ito ay taliwas sa mga naglalabasang ulat na ititigil na ng kanilang gobyerno ang pag-iisyu ng visa at hiring sa mga overseas Filipino workers sa kingdom.
Binigyang diin ni Ministry of Labor Spokesman Tayseer Al-Mufrej na hindi nagpapalabas ng anumang kautusan ang Saudi government na ititigil na ang pagtanggap ng OFWs.
Maging ang Embahada ng Pilipinas sa Saudi ay naghayag na walang nabago sa kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Saudi kaugnay sa pagkuha ng mga Pinoy.
Base sa report, ang nagdaang labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at Saudi ay sinimulang ipatupad matapos na maaprubahan ng gabinete ng Saudi noong 2014 na nagbibigay ng SR1,500 buwanang minimum na suweldo sa mga kasambahay, babysitter, labandera, family driver, cook at hardinero.
Nakasaad din sa kasunduan na hindi kukumpiskahin sa mga OFW ang kanilang pasaporte at work permits.
Kasama sa kasunduan na dumaan sa tamang pagsasanay at oryentasyon ang mga OFWs at iba pang manggagawang dayuhan upang mapag-aralan ang kultura at mga batas sa Saudi.
Pahihintulutan din ang mga manggagawa na maghain ng kaso laban sa kanilang employer o sponsor.
Halos dalawang milyong OFWs na ang nagtatrabaho sa Saudi Arabia.
- Latest