150 HPG men ikakalat ngayon sa EDSA
MANILA, Philippines – Aabot sa 150 miyembro ng Highway Patrol Group ang ipapakalat ng Philippine National Police sa EDSA, upang tangkaing maisaayos ang matinding trapik na nararanasan ng milyong motoristang bumibiyahe rito.
Mismong si PNP chief Dir. Gen. Ricardo Marquez ang magbibigay ng briefing sa mga HPG policemen sa Camp Crame, ganap na alas 4:30 ng madaling araw ngayon, bago sila ipakalat sa mga itinalagang checkpoints sa mga highway.
Ayon kay HPG spokesperson Supt. Oliver Tanseco, asahan na umano ng publiko ang istriktong implementasyon ng mga batas trapiko kapag sila na ang humawak sa EDSA.
“There will be zero tolerance in the implementation of traffic rules. There will be no new laws or rules. We will simply strictly implement the existing traffic laws,” dagdag ng opisyal.
Ang aksyon para hawakan ng HPG ang malalang sitwasyon ng trapik sa EDSA ay ang huling pagtatangka ng pamahalaan para makuha ang solusyon sa naturang problema.
Ang orihinal na plano ng HPG ay ipakalat ang may 96 officers pero sabi ni Tanseco, dinagdagan na nila ang deployment sa 150 matapos ang ginawang assessment.
Asahan na ng publiko na makita ang mga puis sa kanilang mga patrol cars at motorcycles, na ginagawa ang kanilang mga trabaho ng maaga pa sa alas-5 ng madaling araw.
- Latest