Protesta sa EDSA tiyaking maayos - PNoy
MANILA, Philippines – Ipinatitiyak ni Pangulong Noynoy Aquino ang kaligtasan ng mga nagra-rally at ng mga naaapektuhan ng pagkilos ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nais ng Pangulo na masigurong walang makapagsasamantala sa mga nagaganap ngayon sa EDSA-Shaw.
Inatasan na umano ng Pangulo si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na pulungin ang mga opisyal ng gobyerno ng Quezon City at Mandaluyong maging ang Philippine National Police Chief at National Capital Region Police Office para talakayin ang mga pagkilos sa EDSA.
Tiniyak ni Roxas ang “whole of government approach’ sa pagtugon sa isyu ng INC para mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko at masiguro ang kaligtasan ng lahat kaugnay ng inaasahan pang kilos protesta ng INC.
“Araw-araw po, mahigit dalawa’t kalahating milyong mga kababayan natin ang tumatawid po diyan - north [and] south sa EDSA - at bahagi rin po sila ng tungkulin ng pamahalaan na siguruhin ang kanilang kaligtasan at ang kanilang maayos na pagpunta o pag-uwi sa kanilang paroroonan,” sabi pa ng Kalihim.
Samantala sa kuwestiyon kung bakit napakabilis magpalabas ng permit para sa INC upang makapagsagawa ng rally gayong mahirap itong kunin ng ilang grupo katulad ng mga militante, nilinaw ni Valte na hindi ang Malacañang ang nagpapalabas ng permit para sa rally.
Anya, ang lokal na pamahalaan ng Maynila at Mandaluyong ang nagbigay-permisong makapagdaos ng rally ang INC.
Kaugnay nito, maraming netizens na naapektuhan ng matinding trapik at rally sa EDSA ang bumatikos ng pangyayari sa social media.
- Latest