NLRC Commissioner pinasisibak ng Ombudsman
MANILA, Philippines - Pinasisibak ni Ombudsman Conchita Carpio Morales si National Labor Relations Commission (NLRC) Commissioner Angelo Palaña bunga ng umano’y pagso-solicit ng may P100,000 mula sa abogado na may hawak ng kasong nakapending sa NLRC 4th Division.
Bukod sa dismis sa trabaho, pinakakansela rin ng Ombudsman ang eligibility at retirement benefits ni Palaña at ‘di na rin pinapayagan na makapagtrabaho sa alinmang ahensiya ng gobyerno.
Nakakita ng probable cause si Ombudsman Morales para kasuhan si Palaña ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019) at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (Republic Act No. 6713).
Nahaharap din si Palaña sa kasong administratibo dahil sa Grave Misconduct.
Isang Atty. Rebene Carrera ang nagreklamo sa Ombudsman hinggil sa paghingi ni Palaña ng pera sa kanya.
Sinasabing December 2011, tumawag si Palaña kay Atty. Carrera na pautangin siya at ang utang ay ikokonsiderang “goodwill money.”
Si Carrera ay abogado sa 16 kaso na naka-pending sa NLRC 4th Division kung saan si Palaña ay miyembro nito.
Para matulungan sa kanyang mga kaso, nagdeposito umano si Atty. Carrera ng P100,000 sa bank account ni Palaña noong December 21, 2011.
Bagamat sinisingil na ni Carrera ang utang, hindi naman naibalik ni Palaña at pinadalhan pa ng komisyoner ang una ng isang handwritten note na nagsasabing ang kaso na kanyang naresolba na pabor dito mula 2010 hanggang 2012.
Hindi naman pinakinggan ng Ombudsman ang paliwanag ni Palaña na hindi si Atty. Carrera ang nagdeposito sa kanya ng pera kundi ang kanilang office janitress.
- Latest