DOJ sinugod ng Iglesia ni Cristo
MANILA, Philippines - Nagkatensiyon sa compound ng Department of Justice (DOJ) matapos na harangin ng mga nagpoprotestang miyembro ng Iglesia Ni Cristo ang papalabas na si Justice Secretary Leila de Lima.
Dakong alas-4 ng hapon nang harangin ng mga miyembro ng INC ang itim na SUV na sinasakyan ni de Lima. Namataan kasi ng mga nagpoprotesta ang kalihim habang pinapayungan pasakay ng kanyang sasakyan.
Sabay-sabay na nagsigawan ang mga raliyista ng “freedom of religion,” “’wag palabasin,” at “SAF 44 bigyan ng katarungan.”
Pinalibutan ng mga pulis ang sasakyan na napilitang umatras at bumalik sa loob ng DOJ compound.
Makaraan ang ilang minuto, lumabas na ang convoy ni de Lima ngunit hindi na nito lulan ang kalihim.
Binuksan pa ng mga tauhan ni de Lima ang bintana ng sasakyan para ipakita sa mga nagpoprotesta na wala na doon ang opisyal.
Napag-alaman na idinaan na sa backdoor si de Lima upang makaiwas sa mga raliyista.
Maaga pa lang ay nagtipon na ang mga miyembro ng INC sa harap ng DOJ compound para sabayan ng protesta ang pagdiriwang ng ika-56 kaarawan ni de Lima.
Inirereklamo ng mga miyembro ng INC ang anila’y pakikialam ni de Lima sa kasong illegal detention na isinampa laban sa pamunuan ng simbahan.
- Latest