Mandatory drug test sa drivers magpapalala lang ng korapsiyon
MANILA, Philippines – Hindi pabor si Quezon City Rep. Winnie Castelo sa panukalang ibalik ang mandatory drug testing sa mga driver ng sasakyan dahil magiging daan lang umano ito para lumala ang korapsyon sa Land Transportation Office (LTO), ang ahensiyang nagre-regulate sa mga sasakyan at drivers.
Sinabi rin ni Castelo, chairman ng House committee on Metro Manila development, maaaring mabuhay din umano ng mandatory drug testing ang dating corrupt practice kung saan nagbabayad ang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot na drivers sa ilang drug testing clinics para maglabas ng clearance na negatibo ito sa illegal drugs o makipagsabwatan sa ilang korap na LTO personnel.
Madalas din umanong tumitigil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ang driver, dalawang araw bago ang takda nitong drug tests upang walang makitang droga sa kanyang tests.
Dagdag pa ni Castelo, napatunayan din ng committee on Dangerous Drugs na hindi epektibong panghadlang ang mandatory testing sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot ng mga drivers.
Sa halip ay iminungkahi ng kongresista ang pagpapalakas ng random drug testing kung saan hindi ina-anunsiyo ang gagawing testing sa mga driver na magrerenew o kukuha ng kanilang lisensiya.
Ang pinakahuling aksidente na kinasasangkutan umano ng driver na nagpositibo sa paggamit ng droga na ikinasawi ng apat katao ay indikasyon para magpatupad ng mandatory random drug testing.
- Latest