93,000 OMR units magkakaiba ng presyo?
MANILA, Philippines - Bagamat iisang makina lamang at manggagaling sa iisang kumpanya, magkaiba ang presyo ng kada unit ng optical mark reader machine na uupahan ng Comelec para sa 2016 Elections.
Ang 93,000 OMR units na lahat ay uupahan sa Smartmatic-TIM ay hinati sa dalawang magkahiwalay na bidding.
Una ay ang pag-upa para sa 23,000 OMR unit na ang bidding ay sinimulan nuong nakaraang taon at mayroon nang notice to award na naigawad sa Smartmatic-TIM.
Ikalawa ay ang bidding para sa karagdagang 70,000 OMR unit, at nito lamang Hulyo 24, 2015, inirekomenda ng Special Bids and Awards Committee na maiaward ito sa Smartmatic-TIM.
Sa ipinamahaging impormasyon kahapon ng Comelec, nabatid na ang presyo kada uupahang OMR unit sa ilalim ng 23,000 machine ay nagkakahalaga ng P56,000.
Pero nakapagtataka na kung kailan dumami ang bilang ng mga uupahang makina ay tumaas ang halaga ng kada unit nito dahil sa ilalim ng 70,000 machine, ang presyo na ng kada makinang uupahan ayP68,000.
Dahil dito, lumalabas na P12,000 ang pagkakaiba ng halaga ng upa sa kada makina sa ilalim ng 23,000 OMR at 70 ,000 OMR unit.
Kung susumahin naman sa kabuuan, lalabas na mahigit P840 milyong ang kabuuang halaga ng pagkakaiba sa presyo ng mga uupahang makina. (Doris Borja)
- Latest