Walang delay sa budget approval – Ungab
MANILA, Philippines - Siniguro ng Kamara na walang mangyayaring delay sa pag-aprub sa 2016 budget at maaprubahan ito sa tamang oras.
Sinabi ni Rep. Isidro Ungab, chairman ng house committee on appropriations, magagawa nilang aprubahan sa tamang oras ang mahigit sa P3.002 trilyon pondo ng gobyerno sa susunod na taon.
Sa unang araw ng pagsisimula ng budget briefing sa Appropriations Committee, sinabi ni Ungab na tiwala itong hindi mauuwi sa re-enacted budget ang pondo sa 2016.
Naniniwala din si Ungab na tulad sa nakalipas na dalawang taon na pinamumunuan niya ang komite ay naaaprubahan nila ang budget sa tamang panahon.
Kahit na ngayong nalalapit na umano ang eleksyon at abala ang mga kongresista sa political na interes ay tiwala umano si Ungab na mangingibabaw pa rin sa kanila ang kanilang mandato na bigyang prayoridad ang pagpapatibay ng budget at tiyakin na makatwiran ang pagtatakda ng mga alokasyon dito.
Dahil dito kaya tinawag ni Ungab na historical budget ang 2016 budget dahil ito ang unang pagkakataon na umabot ng 3 trillion mark ang unang taunang pondo ng gobyerno.
- Latest