3 Pinoy nadale ng human trafficking
MANILA, Philippines - Tatlong tripulanteng Pinoy ang nabiktima ng “human trafficking” nang utusan silang tumungo sa Korea ng walang dokumentasyon.
Isa sa tatlo na si Ramon Uy ang inaasahang darating ngayon sa NAIA Terminal 2 lulan ng PAL flight PR-897. Nawawala ang isa pang kasamahan na itinago pa ang pagkakakilanlan habang nauna nang nakauwi sa bansa ang kapitan ng yate.
Bago mapadpad sa karagatan ng Taiwan, pinamando umano sa tatlong Pinoy crew ang isang yate ng Cebu Yacht Club na pagmamay-ari ng Korean national na si Ho Keun Yun, may asawang Pinay sa Cebu, lulan ang mga turistang Koreans sa Malapascua patungong Boracay, Aklan.
Nang makarating sa Boracay at ibaba ang mga sakay na guests, pinadiretso sila ng Korean sa Subic upang doon magkarga ng langis/gas (fuel).
Mula Subic, inalok silang maglayag patungong Korea subalit sumadsad ang yate sa Green Island sa Taiwan bunga ng malalakas na alon.
Ayon kay Uy, binigyan siya ng P23,000 paunang bayad at karagdagang P23,000 kapag nakarating na sa Korea.
Simula Abril ay stranded na ang tatlong Pinoy sa Green island. Hindi rin umano malaman kung saan na napunta ang isa pa nilang kasama.
Isang Pinay na nakatira sa Green island ang nagbigay ng financial assistance kay Uy hanggang sa makapunta siya sa Taipei train station at dito tinulungan ng Manila Economic Cultural Office-Assistance to Nationals sa pansamantala nitong tuluyan, pagkain at plane ticket.
Nakatakdang maghain ng posibleng human trafficking case si Uy laban sa Korean owner ng yacht na hindi na nagpakita.
- Latest