Aquino factor hahatak ng boto para kay Roxas
MANILA, Philippines – Ang pagpapatuloy ng mga nagawa ni Pangulong Aquino ang pinakamalakas na pang-akit ni DILG Secretary Mar Roxas sa kampanya sa 2016 presidential elections.
Ito ang idiniin ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. na nagsabi pa na si Roxas lang ang makakapagpatuloy ng sinimulan ni Aquino at ang pagpapatuloy na ito ang magiging kanilang panawagan.
“Magpapalakas sa kandidatura ni Roxas ang mga tagumpay na natamo ng administrasyong Aquino tulad ng good governance, transparency, accountability at sustained economic growth,” sabi pa ni Barzaga na isang lider ng National Union Party.
Wala anyang makakakuwestyon sa sinabi ng Pangulo sa State of the Nation Address nito kamakailan na naging Asia’s Rising Tiger at Asia’s Bright Spot ang Pilipinas sa panahon ng panunungkulan nito.
“Malaking kasayangan kung ang nasimulan ni PNoy ay hindi maipagpapatuloy at tanging si Mar Roxas lamang ang may integridad, karanasan at kakayahan na magpatuloy nito,” sabi pa ni Barzaga.
Ipinaliwanag din niya na malaking bagay ang pag-endorso ni Aquino kay Roxas lalo na kung ikokonsidera ang 57% gross satisfaction rating ng Pangulo sa June 5-8 2015 survey ng Social Weather Station.
“Hindi maikakailang nais ng 57% nasisiyahan sa mga gawain ni PNoy na magkaroon ng tao na makakapagpatuloy sa mga nasimulan ni PNoy,” wika pa ng kongresista.
Kung ang 80 porsiyento ng 57% o boboto para kay Roxas, makakakuha siya ng 45.6% boto (80% x 57% = 45.6%) na sapat na para mahalal siyang pangulo sa ilalim ng umiiral na multi-party system sa Pilipinas.
Mas bentahe rin ni Roxas kumpara sa kanyang mga kalaban ang pampulitikang makinarya ng Liberal Party at mga kaalyado nito na karamihan ay tatakbong walang kalaban sa kanilang mga lalawigan, distrito, lunsod at bayan.
- Latest