Solons nagbanta ng contempt vs HGC
MANILA, Philippines - Nagbanta kahapon ang ilang mambabatas na hindi sila mag-aatubiling ipakulong ang mga opisyal ng Home Guaranty Corporation matapos muling mabigo ang mga ito na dumalo sa ipinatawag na pagdinig ng House Sub-Committee on Housing.
Sa halip na si HGC President Manuel Sanchez, ang humarap sa pagdinig ay sina Atty. Dexter Lacuanan at Atty. Cesar Romano na mga abugado ng naturang GOCC (Government Owned and Controlled Corporation).
Ipinatawag ang pagdinig ng komite upang hubaran ang umano’y balak na “midnight sale” ng HGC sa mga pag-aari na kasama sa ‘Smokey Mountain Rehabilitation and Development Project’ (SMRDP) sa Tondo, Maynila na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.
Dagdag pa rito ang patuloy na pagsisikap ng komite na magkaroon ng ‘amicable settlement’ sa pagitan ng HGC at R-II Builders kung saan napipilitang magbayad ng may P500,000 bawat araw ang pamahalaan sa interes pa lamang ng mga utang ng HGC sa nakaraang 15 taon.
Ayon kay committee chairman at Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe, pormal na niyang inisyuhan ng ‘subpoena’ ang mga opisyal ng HGC sa pangunguna ni Sanchez.
Wika pa nina Batocabe at Quezon City Rep. Winnie Castelo, hindi sila mag-aatubili na ipakulong ang grupo ni Sanchez sa kasong ‘contempt of Congress’ sakaling muling hindi dumalo ang mga ito
Pinuna pa ng mambabatas na ang “pagmamatigas” ng grupo ni Sanchez na huwag pumunta sa Kongreso ay sa kabila ng katotohanan na “hold-over capacity” na lang ang mga ito sa kani-kanilang mga posisyon sa pagtatapos ng kanilang mga termino noong Hunyo 30.
Idinagdag naman ni Castelo na mahalagang dumalo sa susunod na pagdinig si Sanchez dahil ito lang ang puwedeng sumagot sa naging desisyon ng HGC na isubasta ang buong lugar ng Smokey Mountain sa halagang P1.8 bilyon.
- Latest