Abuloy sa patay tinaasan sa Valenzuela
MANILA, Philippines - Tinaasan ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang ibinibigay na abuloy sa pamilya ng mga namayapa upang mas maiwasan umano ang pagpapasugal ng mga residente para makalikom ng pagpapalibing.
Mula sa dating P5,000 burial assistance, dinagdagan ito ng P2,000 para maging P7,000 na ang abuloy ng lokal na pamahalaan sa pamilya ng nasawing senior citizen at nasa “indigent category” base sa inilabas na Executive Order no. 2015-205 seris of 2015 ni Mayor Rex Gatchalian.
Para magkuwalipika umano sa naturang tulong pinansyal, sinabi ni Office of Senior Citizens Affair (OSCA) na kailangang nakarehistrong residente ng Valenzuela ang namayapa base sa death certificate. Kailangan din umanong miyembro ng OSCA ang senior citizen na namayapa at isusuko ng mga kaanak ang OSCA identification card nito para makuha ang tulong.
Kailangan naman umanong may “certificate of indigency” ang isang namayapa na mula sa mahirap na pamilya ng lungsod para mabigyan ng tulong pinansyal ang mga kaanak na naiwan.
Sinabi ni Mayor Gatchalian na isa umano ito sa paraan na naisip nila para matigil na ang pagpapasugal partikular ang “saklang patay” ng mga kaanak ng mga namayapa para makaipon ng abuloy na pampalibing na sinasamantala naman ng mga gambling lords.
“Effective March 1, ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela, dadagdagan ‘yung abuloy na ibinibigay sa mga pamilyang namamatayan. Kung dati-rati sa ngalan ng pamahalaang lungsod ay nagbibigay tayo ng tatlong libo sa namatayang non-senior citizen, gagawin po nating limang libo yan. Para sa mga senior citizen na namamatay, dati-rati ay limang libo, ngayon ay gagawin nating pitong libo,” ani Gatchalian. (Danilo Garcia)
- Latest