P50K/month sa gov’t doctors
MANILA, Philippines – Isinusulong sa Senado na maitaas sa salary grade level 24 o halos P50,000 ang minimum na sahod ng mga doktor ng gobyerno.
Sa Senate Bill 2689 ni Sen. Grace Poe, sinabi nito na panahon na para itaas ang minimum salary grade level ng mga public doctors upang mas maengganyo ang mga medical professionals na magtrabaho sa ospital ng gobyerno sa halip na mangibang bansa.
Ayon sa International Labor Organization, ang mga health professionals sa Pilipinas ay umaalis ng bansa dahil sa “colonial mentality, economic needs, career development at mas maayos na standard of living sa ibang bansa.”
Ayon naman sa Alliance of Health Workers (AHW) ang pangunahing dahilan ng doctor migration ay ang mababang sahod at ang hindi makataong working conditions.
Ang Pilipinas at ang India ang dalawang malaking providers ng
foreign health workers para sa Organization for Economic Co-operation and Development (OECD) countries, kabilang na ang mga European nations.
Ang Pilipinas din ang sinasabing “number one exporter” ng mga nurses at number two exporter ng doktor sa mundo.
Sa kabila nito, pito sa bawat 10 Filipino ang namamatay ng hindi natitingnan ng mga health professional.
Sa data ng IBON Foundation, noong 2007, mayroon lamang pitong government doctors sa bawat 200,000 Filipino na hindi angkop sa standard ratio ng World Health Organization na isang doktor sa bawat 5,000 pasyente.
Ayon sa AHW, ang mga resident doctors sa gobyerno ay tumatanggap lamang ng minimum na P26, 259 kada buwan samantalang ang mga nasa pribadong sektor ay P20, 135. Ang mga resident doctors din umano ay kinakailangang magtrabaho ng average na 110 oras sa isang linggo na mas mahaba kaysa sa itinatakda ng Labor Code samantalang ang mga municipal health officers ay on-call sa loob ng 24 hours at hindi nabibigyan ng overtime pay.
- Latest