PNP iimbestigahan ang umanoy paglalasing ng SAF at militar sa Mamasapano
MANILA, Philippines – Handang imbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang umano'y paglalasing ng mga tauhan ng Special Action Force (SAF) at ilang sundalo sa bisperas ng operasyon sa Mamasapano, Maguindano nitong Enero.
Sinabi ni PNP spokesperson Chief Superintendent Generoso Cerbo sa kanyang panayam sa dzMM na handa silang imbestigahan ang isyu na isiniwalat ni Senador Antonio Trillanes IV.
"Handa kaming magpaimbestiga para malinawan itong isyu na ito," wika ni Cerbo.
Ngunit sinabi ng tagapagsalita na kailangan muna nila makakuha ng go signal sa taas upang masimulan ang imbestigasyon.
"Meron naman kaming mga grupo dito sa PNP.... na pwedeng magsagawa ng ganitong pag-iimbestiga pero marahil naghihintay din lang ng mga proper guidance mula sa nakakataas," dagdag niya.
Sinabi ni Trillanes na isang PNP intelligence officer ang nagpainom sa mga SAF at militar bago tugisin ang Malaysian terrorist na si Zulkifli Bin Hir, alyas Marwan at Basit Usman.
- Latest