Mister huli sa tilaok ng ninakaw na manok
MANILA, Philippines – Dahil sa sunud-sunod na tilaok ng panabong manok na kanyang ninakaw kung kaya nadakip ng mga awtoridad ang isang mister sa Marikina City, kahapon ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Melvin Mendoza, 40, nakatira sa 736 JP Rizal St., Brgy Concepcion Uno, Marikina City.
Sa reklamo ng biktimang si Freddie Palma, 46, negosyante ng nasabi ring lugar, dakong alas-6:00 ng umaga nang makitang hinihimas ng suspek ang kanyang fighting cock na nakatali at pinapaarawan sa kanyang bakuran.
Ilang minuto ang lumipas ay naging palinga-linga ang suspek at nang wala siyang makitang tao ay mabilis nitong tinangay ang manok. Naglipasag naman ang tandang at sunud-sunod na tumilaok na siyang dahilan upang lumabas ng bahay ang mga kamag-anak ng negosyante kaya hinabol nila ang suspek at inaresto saka dinala sa himpilan ng pulisya.
- Latest