60-days TRO inisyu ng CA sa suspensyon ni Mayor Binay
MANILA, Philippines – Ilang oras matapos na maisilbi ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang suspension order na ipinataw ng Ombudsman kay Makati City Mayor Junjun Binay nagpalabas naman ng temporary restraining order (TRO) ang Court of Appeals (CA) laban sa suspensyon nito.
Sa naging desisyon ng CA, tatagal ng 60 araw ang bisa ng TRO.
Alas- 8 pasado ng umaga kahapon nang maisilbi ng DILG sa pamumuno ni NCR Director Renato Brion ang suspension order sa Makati City Hall pero hindi sila nakapasok kung kaya ipinaskil na lamang ito sa may pader ng city hall.
Matapos ito ay agad na nanumpa bilang acting mayor si Vice Mayor Romulo “Kid” Peña.
Bukod kay Mayor Binay, pansamantalang sinuspinde ng anti-graft court sina City Budget Officer Lorenza Amores; City Accountant Cecilio Lim III; acting City Accountant Eleno Mendoza; City Treasurer Nelia Barlis; CPMO Engineers Arnel Cadangan; Emerito Magat at Connie Consulta; CPMO Chief Lino Dela Peña; Bids and Awards Committee (BAC) Secretariat Heads Giovanni Condes at Manolito Uyaco; Technical Working Group (TWG) Chairman Rodel Nayve; BAC member Ulysses Orienza; General Services Department (GSD) OIC Gerardo San Gabriel at GSD staff member Norman Flores.
Subalit sa desisyon ng CA, mananatiling alkalde ng Makati si Junjun Binay.
Una nang iginiit ni Binay na iligal ang suspension order ng Ombudsman at pakana raw ito ni DILG Secretary Mar Roxas.
Bahagyang nagkaroon ng tension nang dumating ang grupo ng DILG at binarikadahan ng mga pulis mula sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang bisinidad ng Makati City Hall.
Subalit, kaagad naman itong nakontrol ng mahigit 2,000 pulis na nakapuwesto sa naturang lugar.
Pinagkokomento naman ng CA ang Ombudsman ukol sa petisyon ni Binay.
Itinakda ang oral arguments sa Marso 30 at 31.
- Latest