Social media accounts ng mga empleyado gusting protektahan ni Miriam
MANILA, Philippines – Isinusulong na ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang panukalang batas na naglalayong pagbawalan ang mga employers na magkaroon ng access sa social media accounts ng kanilang mga empleyado.
Ayon kay Santiago, lumalabag sa probisyon ng Konstitusyon tungkol sa privacy ang mga employers na nagkakaroon ng access sa personal social media accounts ng mga empleyado.
Partikular na tinukoy ni Santiago ang Article 3, Section 3 ng Konstitusyon na nagsasabing: “The privacy of communication and correspondence shall be inviolable except upon lawful order of the court, or when public safety or order requires otherwise, as prescribed by law.”
Dahil umano sa electronic media technology, ang constitutional protection ay hindi na lamang limitado sa personal information at property “in physical form” kung hindi kasama na ang mga online accounts.
Kaugnay nito, inihain ni Santiago ang Senate Bill No. 2681 na naglalayong ipagbawal sa mga employers na pilitin ang kanilang mga empleyado at maging mga aplikante pa lamang na isiwalat ang kanilang passwords sa mga online accounts katulad ng Facebook at Twitter.
Karamihan aniya sa mga tao ngayon ay may mga media accounts na ginagamit para ihayag ang kanilang mga personal na opinyon o pagtatago ng personal na impormasyon.
Naniniwala si Santiago na nalalabag ang privacy ng mga empleyadong napipilitang ibigay sa kanilang mga employers ang kanilang passwords sa mga online social media.
- Latest