Recall polls hinarang Contempt vs Bulacan gov, judge inihain
MANILA, Philippines - Inireklamo kahapon sa Commission on Elections (Comelec) si Bulacan Governor Wilhelmino Alvarado at ang judge na pumigil sa pagsisimula ng proseso para sa recall election sa naturang lalawigan.
Umapela si Perlita Mendoza na agad magsagawa ng hearing sa kaniyang reklamong indirect contempt at parusahan sina Alvarado at Judge Guillermo Agloro sa pagbalewala ng mga ito sa Konstitusyon na nagbibigay ng natatanging kapangyarihan sa Comelec na magsagawa ng lahat ng proseso sa lahat ng halalan, kasama na ang recall election.
Pinuna ni Mendoza sa kaniyang reklamo na noon pang isang taon ay binasura na ng Malolos Regional Trial Court Branch 22 ang petisyon ni Alvarado para pigilan ang recall election dahil walang kapangyarihan ang korteng makialam sa anumang proseso ng halalan.
Noong Mayo 5, pinagtibay ng Office of the Provincial Election Supervisor ng Bulacan na supisyente at naayon sa batas ang recall election petition na inaprubahan naman ng Comelec sa ilalim ng Minute Resolution No. 14-03805.
Naghain ng mosyon si Alvarado noong Nov. 24 pero ibinasura rin ito ng Comelec at naghain sa Korte Suprema ng Petition for Certiorari with Application for Immediate Issuance of Temporary Restraining Order/Status Quo Ante Order pero walang TRO na inilabas ang SC kaya itinakda ng Comelec noong Feb. 24 ang beripikasyon sa pirma ng recall petition hanggang Marso 23. Dahil ditto, naghain naman si Alvarado ng petisyon para sa isang TRO sa sala ni Judge Agloro.
- Latest