Solon sa Kamara nag-akusa Coup, tsismis ni Trillanes
MANILA, Philippines – Binatikos kahapon ni United Nationalist Alliance Interim President Toby Tiangco si Senador Antonio Trillanes IV dahil sa pagpapakalat nito ng tsismis hinggil sa umano’y tangkang kudeta laban sa administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabi ni Tiangco na tinatangka ni Trillanes na pagtakpan ang mga isyung nakabalot sa pagkamatay ng 44 na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao sa pamamagitan ng pagpapakalat ng tsismis hinggil sa kudeta.
‘Nililihis ni Trillanes ang issue upang pagtakpan ang malinaw na kapabayaan ng gobyernong saklolohan ang tropa ng SAF sa Mamasapano. Ano ang intensyon niya kung hindi ilihis ang issue ng negligence on the part of the commander-in-chief,” sabi ni Tiangco.
Mas magiging produktibo anya ang senador kung tututukan nito ang pagtulong para mailabas ang katotohanan nang mabigyan ng karangalan at hustisya ang mga nasawing commandos.
“Eto na naman si Trillanes pilit na ikinakabit ang oposisyon sa mga imahinasyon nya. Pangalanan na lang niya ng direct kung sino ang tinutukoy niya. Hindi ako magtataka kung ikakabit niya ang pangalan ng Bise Presidente dahil sa obsesyon niyang siraan ang mga Binay. Hindi magiging bahagi ng anumang hakbang na labag sa Konstitusyon si Vice President Jejomar Binay at kanyang nilinaw na hindi siya pabor sa mga hakbang na hilingin ang pagbibitiw ni Aquino. Hindi suportado ng VP ang panawagan ng pagbibitiw pero, tulad ng iba, nais niyang malaman ng mamamayang Pilipino ang katotohanan,” wika pa ng kongresista ng Navotas.
“Mapanlihis na taktika ang ginagawa niyang ipinupukol ang sisi sa ibang tao, ang pag-oorganisa ng kudeta, upang ilihis, ibaon at sa kalaunan ay makalimutan ang paghahanap ng katotohanan sa kung ano talaga ang nangyari sa Mamasapano,” dagdag niya. “Inuuna niya ang kanyang personal na interes, imbes na suportahan ang mga kabaro niyang pulis bilang isang dating sundalo.”
Noong Biyernes, sinabi ni Trillanes na iba’t-ibang grupo mula sa political opposition, Kaliwa, civil society at simbahan ang nagpaplanong ibagsak ang kasalukuyang administrasyon. Nag-oorganisa anya ang mga grupong ito ng mga street rally laban sa pamahalaan kaugnay ng insidente sa Mamasapano.
Si Trillanes na dating Navy officer ay nakulong noong panahon ng pamahalaang Arroyo dahil sa pagkakasangkot niya sa July 2003 Oakwood mutiny. Nakasuhan din siya dahil sa Manila Peninsula siege noong November 2007.
“Kung meron mang tsismis na kudeta, si Trillanes ang unang dapat pagdudahan, dahil siya ang may history na may ambisyon na mang-agaw ng kapangyarihan sa pamamaraan na labag sa Saligang Batas,” sabi pa ni Tiangco.
- Latest