Labi ng 42 SAF dumating, PNoy ‘no show’
MANILA, Philippines - Naging madamdamin ang arrival honors sa labi ng 42 sa 44 na PNP-Special Action Force (SAF) members na dumating sa Villamor Airbase kahapon.
Bumuhos ang matinding emosyon mula sa naghihinagpis na mga pamilya at kasamahang pulis habang isa-isang inilalabas mula sa tatlong C-130 planes ang metal caskets na nababalutan ng watawat ng Pilipinas na binuhat ng mga kapwa SAF members.
Paglapag pa lamang ng mga C-130 dakong alas-10:05 ng umaga galing sa Awang airport sa Cotabato ay hindi na napigilan ng mga nag-aabang na mga pamilya, kabigan at maging mga kapwa pulis ang pagluha.
Naging kapansin-pansin naman na hindi sumalubong si Pangulong Aquino sa pagdating ng mga bangkay ng SAF men dahil wala raw ito sa schedule ng Pangulo bagkus ay nanguna ito sa inagurasyon ng isang planta ng sasakyan sa Sta. Rosa, Laguna.
Sinabi naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na mismong si Pangulong Aquino ang mangunguna sa necrological service ngayong umaga sa Camp Bagong Diwa.
Nabatid na 42 lamang ang labi na dinala sa Maynila dahil ang dalawa na sina PO3 Jedz-in Asjali ay inilibing na noong Miyerkules sa Zamboanga City at binigyan ito ng 21-gun salute at si PO3 Amman Esmula ay iniuwi sa Zamboanga del Sur.
Nanguna naman sa arrival honors sina DILG Sec. Mar Roxas, PNP Officer in Charge P/Deputy Director Gen. Leonardo Espina, Presidential Spokesman Edwin Lacierda, AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. at ang nasibak na si PNP SAF Chief P/Director Getulio Napenas.
Nakidalamhati rin sina Vice President Jejomar Binay at anak nitong si Sen. Nancy Binay; Sen. Bongbong Marcos, inang si dating Unang Ginang Imelda Marcos, dating Pangulong Fidel Ramos, dating PNP spokesman at Pangasinan Rep. Leopoldo Bataoil at iba pang mga opisyal.
Mula sa Villamor Airbase ay dinala ang mga labi sa himpilan ng PNP-SAF sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City para iburol muna dito ng dalawang araw bago sila ihatid sa kanilang mga kaanak.
Noong Enero 25 ay naglunsad ng ‘special mission’ ang PNP-SAF upang hulihin ang mga teroristang sina Zulkipli Bin Hir, isang Malaysian na may patong sa ulong $5 M at Basit Usman, isang Abu Sayyaf Group na sinanay ng Jemaah Islamiyah (JI) sa terorismo at may patong sa ulong $2 M.
Ilan sa mga survivors ay umamin na nakorner sila ng MILF rebels matapos maunang makasagupa ang Bangsamoro Islamic Freedom Figters (BIFF) kung saan nangyari ang pagmasaker sa mga SAF commandos.
Ilan sa mga bangkay ay pinagtataga, kinuha ang mga cellphones, alahas, iba pang mga kagamitan at hinubaran ng uniporme.
- Latest