Shortage ng guro sa SUC’s
MANILA, Philippines – Ibinunyag ni House Committee on Higher and Technical Education chairman at Pasig Rep. Roman Romulo na dumaranas ngayon ng matinding kakulangan sa guro ang mga State Colleges and Universities (SUCs) sa bansa.
Ayon kay Romulo ito ay base sa survey ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) nito lamang 2014 kung saan lumalabas na 17,057 ang kulang sa teaching staff ng mga SUCs at kailangan itong agad mapunuan para umangat ang kalidad ng edukasyon.
Bukod dito dapat din maging globally competitive ang mga pampublikong kolehiyo at unibersidad,subalit base pa rin umano sa pag aaral, kailangan ng 5.5 bilyon piso na alokasyon para lumikha ng Plantilla positions para sa ganito karaming mga guro.
Paliwanag pa ni Romulo, dahil sa shortage na ito kaya ang ratio ngayon ng guro sa estudyante sa maraming SUCs ay 1 is to 42 taliwas sa standard na faculty to student ratio na 1 is to 25 lamang.
Giit pa ng kongresista, lumala ng ganito ang kakulangan sa guro sa SUCs dahil 16 na taon nang hindi nabibigyan ng Department of Budget and Management (DBM) ng dagdag na plantilla items ang SUCs.
Dahil dito kaya naghain si Romulo ng resolution na humihiling sa gobyerno na lumikha ng bago at dagdag na plantilla positions para sa mga guro ng SUCs para hindi na lalong bumagsak ang kalidad ng edukasyon ng mga nagkokolehiyo sa bansa.
- Latest