18 priority legislative agenda P-Noy umaasang maipapasa
MANILA, Philippines – Tahasang sinabi ni Presidential Communications Operations Office Secretary Sonny Coloma na umaasa si Pangulong Benigno Aquino lll na maipapasa ng Kongreso ang 18 mula sa 29 na priority legislative agenda.
Ayon Sec. Coloma, sinabi ni PLLO chief Sec. Manuel Mamba, naniniwala ang Palasyo na hindi bababa sa 18 na priority measures na tinukoy ni Pangulong Aquino ang maipapasa ng Kamara at Senado.
Magbubukas muli ang sesyon ng Kongreso sa ika-19 ng Enero at isa sa mga panukalang batas na ito ang Bangsamoro Basic Law (BBL) na siyang magbibigay daan upang maitatag ang Bangsamoro Transitional Assembly bago idaos ang halalan para sa mga opisyal ng Bangsamoro Political Entity sa taong 2015.
Wika pa ni Coloma, ang ilan pa sa mahahalagang panukalang batas na tumutukoy naman sa ekonomiya ay ang pag-amyenda sa mga sumusunod na batas: Build-Operate-Transfer (BOT), Road Right of Way para sa mga proyektong pang-imprastraktura, at ang Cabotage Law na applicable sa shipping industry. Ibig din ng pamahalaan na ganap na maisabatas ang Rationalization of Fiscal Incentives, Rationalization of the Mining Fiscal Regime, Tax Incentives Management and Transparency Act, Antitrust Act, National Land Use Act, at ang Strategic Trade Management Act.
Idinagdag pa ng PCOO chief, prayoridad din ang agarang pagpasa ng Customs Modernization Act upang maipagpatuloy ang mga programa sa ilalim ng fiscal reform package.
Ayon naman sa PLLO, hinihimay pa sa interagency level ang ilang issue hinggil dito. Para naman sa pagpapatatag ng pambansang seguridad at pagsasaayos ng mga pampublikong hangganan, isinusulong ng pamahalaan ang mga panukalang batas ukol sa Designation of the Philippine Maritime Zone, Designation of Archipelagic Sea Lanes, at Delineation of Specific Forest Limits of Public Domain.
- Latest