Pagtakas ng high risk detainee silat
MANILA, Philippines – Nasilat ng mga awtoridad ang tangkang pagtakas ng isang high risk detainee matapos madiskubre ang unti-unting paglagare nito sa rehas na bakal ng kaniyang detention cell sa Maguindanao Provincial Jail kamakalawa.
Kinilala ang high risk detainee na si Datukan Sama alyas Commander Lastikman, 49-anyos, nahaharap sa kasong multiple murder, frustrated multiple murder, kidnapping at carnapping sa Maguindanao at North Cotabato.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, napansin ng mga jailguard nitong Biyernes ng umaga ang bakas ng lagare sa rehas ng selda ni Commander Lastikman sa nasabing piitan na matatagpuan sa PC Hill, Brgy. Rosary Heights 1 ng lungsod ng Cotabato.
Isa ring inabandonang motorsiklo ang nakita ng mga imbestigador sa tapat ng detention cell ng nasabing high risk detainee na hinihinalang siyang gagamitin nito sa nabigong pagpuga nito.
Si Commander Lastikman ay nakakulong sa nasabing piitan kasama ang 28 pang mga inmates.
Nakumpiska rin sa loob ng piitan ni Lastikman ang isang plastic sachet ng shabu, lagare at patalim.
Sa tala si Lastikman ay nasakote sa Pikit, North Cotabato at naditine sa Kidapawan City Jail bago ito inilipat ng piitan sa Midsayap, North Cotabato kung saan humantong ito sa Maguindanao jail pero nakapuga noong 2013.
Noong Hulyo 2013 ay muling nasakote si Lastikman sa operasyon sa checkpoint ng pulisya sa Tacurong City, Sultan Kudarat at muling ibinalik sa Maguindanao jail noong Mayo 2, 2014.
- Latest