CBCP nagpasalamat sa ABS-CBN
MANILA,Philippines - Ikinalugod ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on Social Communications and Mass Media at Papal Visit 2015 Central Committee ang ginawang pag-pull out ng ABS-CBN sa kanilang papal visit souvenir items na “No Race, No Religion T-shirt.”
“Nagpapasalamat tayo sa ngalan ng Simbahang Katolika sa ginawa ng ABS-CBN. Hangarin talaga ng Simbahan na itaguyod ang tema ng pagmamahal at malasakit sa pagbisita ng Santo Papa. Sana mag-focus tayo sa mga mensahe kung papaano natin mas palawakin ang pagpapakita ng habag at malasakit sa kapwa,” ani Jopson, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Naniniwala si CBCP-Episcopal Commission on Social Communication and Mass Media executive secretary Father Lito Jopson na itaguyod ng bawat isa ang tema ng papal visit na ‘Mercy and Compassion’ sa kapwa sa paglalabas at pagbebenta ng mga collectors at souvenir items.
Ipinaalaala naman ni CBCP-Episcopal Commission on Social Communication and Mass Media chairman at Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara sa lahat na tiyaking magamit sa tamang pamamaraan ang pagpahayag ng mabuting balita sa pamamagitan ng mga logo at larawan o mga Pope Francis memorabilias.
Si Pope Francis ay nakatakdang dumating sa bansa sa Enero 15-19. (Ludy Bermudo)
- Latest