Mag-ina ng Pinoy kasama sa AirAsia
MANILA, Philippines – Kabilang ang mag-ina ng isang Pilipino sa mga pasahero ng eroplano ng AirAsia Flight QZ8501 na nawalan ng kontak sa controller habang patungo sa Singapore mula sa Indonesia noong Linggo.
Ayon sa isang ulat kahapon ng “News TV Live” ng GMA News, kasalukuyan nang nasa Indonesia ang Pilipinong si Alejandro Santiago para makipag-ugnayan sa mga awtoridad hinggil sa asawa niyang Indonesian na si Romlah Siti at anak na si Jasmine Rose Ann Santiago. Nabatid na nakabase si Santiago sa Singapore nang maganap ang trahedya.
Kasalukuyan niyang inaasikaso ang mabilis na pagtukoy sa kanyang asawa’t anak sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga dokumento tulad ng close-up photo, ID at dental record.
Ayon sa ulat, ikinalungkot ni Santiago ang trahedya pero umaasa pa rin siya na buhay pa ang kanyang mag-ina.
Kamakalawa ay ipinahayag ng AirAsia Indonesia na kinumpirma ng National Search and Rescue Agency ng Indonesia na may natagpuang mga labi ng nawawalang eroplano sa karagatan.
Sinabi ng AirAsia na natagpuan ang mga labi ng eroplano sa Karimata Strait sa layong 110 nautical miles mula sa timog kanluran ng Pangkalan Bun. Lulan ng eroplano ang 155 pasahero kabilang ang 137 matatanda, 17 bata at isang sanggol. Meron itong dalawang piloto, apat na cabin crew at isang inhinyero.
Inimbitahan ng AirAsia Indonesia ang mga pamilya ng mga biktima sa Surabaya at doon ay aasikasuhin sila ng isang grupo ng mga care provider.
Samantala, napaulat na hindi na kailangang sumisid sa pinakailalim ng karagatan ang mga diver para makakuha ng iba pang mga bangkay at labi ng naturang eroplano, ayon sa isang ulat. Pero kailangang maingat na mapreserba nila ang ebidensiya mula sa Airbus A320 na bumagsak mula sa himpapawirin. Kritikal ang trabahong ito sa imbestigasyon sa insidente at sa nagluluksang mga kamag-anak na nawalan ng mahal sa buhay.
- Latest





















