140 na ang naputukan bago ang New Year – DOH
MANILA, Philippines - Umabot sa 140 kaso ng fireworks-related injuries sa bansa ang naitala ng Department of Health (DOH) bago sumapit ang Bagong Taon.
Sa Firecrackers Injury Registry ng DOH, 139 dito ang naputukan habang isa naman ang nakalunok ng pulbura ng piccolo na inakalang candy.
Ang nasabing bilang ay sumasaklaw lamang mula Disyembre 21, ang araw na sinimulan ang monitoring, hanggang nitong Dis. 29.
Lumalabas pa ring nangunguna ang piccolo sa may pinakamaraming nabiktima na umabot sa 94.
Ayon kay Health Assistant Secretary Elmer Punzalan, mas dapat pag-isipan ng mamamayan ang long term-effect sa halip na pangkasiyahan ng okasyon ng Bagong Taon. Sa oras na maputukan at mawalan ng parte ng katawan o paningin ay habambuhay na itong pabigat sa buhay.
Ang Maynila naman ang maituturing na may pinakamatigas na ulo dahil nangunguna na naman sa may pinakamataas na bilang ng naputukan, sumunod ang Pasig City at ikatlo ang Las Piñas.
- Latest