Gun free yuletide season target ng PNP
MANILA, Philippines - Determinado ang Philippine National Police na maipatupad ang ‘gun free holidays kaugnay ng pagdiriwang ng pasko at pagsalubong sa bagong taon sa buong bansa.
Kahapon ay nagpalabas ng memorandum si PNP officer-in-charge Deputy Director Gen. Leonardo Espina na nagbabawal sa lahat ng mga pulis na masangkot sa illegal discharge of firearms o pagpapaputok ng baril sa pagsalubong sa tradisyunal na pagpapalit ng taon.
Bukod dito ay tututukan naman ng PNP ang lahat ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno gayundin maging ang mga sibilyang gun holders laban sa indiscriminate firing.
Ang hakbang ay upang maiwasan na may mabiktimang sibilyan ng ligaw na bala lalo na ang mga bata.
Magpapakalat din ang PNP ng mga intelligence operatives at asset nito para i-monitor at matukoy ang mga pulis, sundalo at mga opisyal, kawani ng gobyerno maging ang mga sibilyan na masasangkot sa pagpapaputok ng baril sa selebrasyon ng kapaskuhan.
Kabilang naman sa kampanya ang sabay-sabay na ‘gun muzzle taping’ mula sa National Headquarters hanggang sa Police Regional Offices, Provincial Offices, City at Municipal Police Stations sa bansa na gaganapin sa Lunes (Disyembre 22) upang mabatid kung sino sa mga pulis ang susuway sa kautusan.
Nag-organisa na ang PNP at AFP ng mga joint preventive patrol team para arestuhin o hulihin ang mga uniformed personnel at iba pang mga kasapi ng law enforcement agencies na masasangkot sa illegal discharge of firearms.
- Latest