QC Barkada Kontra Droga ikinasa ni VM Joy B
MANILA, Philippines - Upang higit na makatulong ang kabataan sa pagpuksa sa problema sa illegal na droga at tuloy maiwasang magumon ang mga ito sa ipinagbabawal na gamot, ikinasa ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang pinakabagong proyektong Barkada Kontra Droga (BKD) sa lungsod.
Sa ilalim ng proyekto, ang QC sa pamamagitan ng QC Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCDAAC) na si Vice Mayor Belmonte ang chairman, ay magkakaroon na ng youth arm sa Dangerous Drugs Board (DDB) upang kapit bisig na mapagtulungang maiwasan ang paglaganap ng bawal na gamot sa siyudad.
Sa ngayon, nagsasagawa ng pagkalap ng mga miyembro ang BKD mula district 1 hanggang district 6 para sa registration. Ang mga miyembro ay dapat mula edad 12 anyos hanggang 25 anyos.
Ang mga ito ay isasalang sa training para ipaalam sa kanila ang kahalagahan ng batas, kanilang karapatan at maaaring gawin ng mga kabataan hinggil sa pagsugpo sa illegal drugs sa kanilang lugar.
Ang mga sasailalim naman sa training ang siya mismong magbibigay kaalaman sa mga komunidad kung ano ang batas hinggil dito at tuloy maprotektahan ang iba pang mamamayan laban sa illegal drugs.
Sa ngayon ang QC ay isa na sa mga local government units sa Metro Manila na kaanib ng proyekto ng DDB kontra droga. (Angie dela Cruz)
- Latest