4 repatriated OFWs iprinisinta ni Villar
MANILA, Philippines - Iprinisinta kahapon ni Senator Cynthia A. Villar ang tatlong overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Malaysia na ipinasyang umuwi sa Pilipinas makaraang dumanas ng pagmamaltrato ng kanilang mga amo.
Ang mga umuwi sa bansa ay sina Jobelle, 28, ng Davao del Norte; Mary Grace, 28, ng Paombong, Bulacan; at Marilou, 28, ng Iloilo.
Ipinaabot ng Blas Ople Center, sa pamamagitan nina Susan Ople at Jerome Alcantara, sa Villar SIPAG (Social Institute for Poverty Alleviation and Governance), na ang tatlong Filipino migrant workers ay nakahanda na sa kanilang repatriation sa sandaling mayroon na silang plane ticket.
Bunga nito, binayaran ng senador ang kanilang plane ticket para makauwi sa bansa at muling makapiling ang kani-kanilang pamilya.
Tumakas si Jobelle, na may dalawang anak, sa bahay ng amo dahil sa hindi na niya matiis ang pagmamalupit ng anak nito.
Kapag nagwawala ang bata, kinakagat nito ang biktima, binabato at hinahampas. Isinumbong niya ang mga pangyayaring ito sa kanyang amo subalit sinabihan lamang siya na habaan ang pasensiya.
Bagamat ninais na niyang umuwi sa Pilipinas nang mga panahong iyon, hindi niya nagawa dahil kailangan niya ang perang pampagamot sa kanyang ina. Nang malaunan, nagtrabaho siya sa isang Taiwanese restaurant sa kabila nang maliit na suweldo.
Sa kabila ng matinding pagtratrabaho para matustusan ang pangangailangan ng kanyang ina, namatay ito noong Agosto 12, 2014. Hindi siya nakauwi sa bansa dahil sa kawalan ng perang pambili ng tiket sa eroplano.
Sa kanyang bagong trabaho, inireklamo ni Jobelle ang mahabang oras ng pagtratrabaho at kakulangan ng pagkain. Hindi rin siya pinapayagang makalabas ng bahay.
Nagsimulang magtrabaho si Jobelle bilang domestic helper sa Malaysia noong November 28, 2013.
Si Mary Grace ay tumakas sa bahay ng amo nang makaranas ng sexual abuse samantalang si Marilou ay “overworked” at “unjustly paid.”
Samantala, pinagkalooban ng Villar SIPAG ng livelihood assistance si Maira Angelica Tabudlong, 38, ng Zapote, Las Piñas City.
Habang nagtratrabahong receptionist sa isang mall sa Doha, Qatar, nagbebenta rin siya ng prepaid load cards para madagdagan ang kanyang kita.
Noong July 2014, si Tabudlong ay ipinatawag ng kanyang supervisor at pinagpaliwanag sa “shortages” sa calling cards, mamahaling pabango at iba pang produkto na may kabuuang halagang 50,000 riyals.
Iginiit ni Tabudlong sa kanyang amo na ang kanyang katrabahong Indonesian ang may utang at pinangakuan siyang babayaran ang mga kulang na items.
Hindi pinaniwalaan ng amo si Tabudlong at iginiit na bayaran ang 50,000 riyals kung ayaw niyang makulong.
Humingi siya ng tulong sa Villar Sipag-OFW Program para makabalik sa bansa. (Malou Escudero)
- Latest