Taguig City Univ. pasok sa ‘Top 10 Performing Schools’ sa bansa
MANILA, Philippines - Kinilala ng Professional Regulations Commission (PRC) ang Taguig City University (TCU) bilang isa sa ‘10 top performing schools’ sa bansa ngayon.
Sa resulta ng licensure examination para sa mga guro na inilabas noong Oktubre 27, iniulat ng PRC na nakakuha ang TCU ng 80 percent passing rate kaya natalaga ito bilang ‘top nine’ sa hanay ng mga eskwelahan at unibersidad sa buong bansa.
Mula sa 50 examinees mula sa TCU, 40 ang pumasa sa board exam at ngayo’y kwalipikado na para magturo sa high school.
Ang University of the Philippines-Diliman ang nanguna sa licensure exam na may 93.06% passing rate, sumunod ang University of Santo Tomas (89.33%) at Philippine Normal University- Agusan (88.66%).
Umabot sa 77,803 ang kumuha ng nasabing licensure exam na ibinigay ng Board of Professional Teachers.
Nagpaabot ng pagbati si Mayor Lani Cayetano sa bagong pasang mga guro na nagsipagtapos sa TCU, na pinamamahalaan ng pamahalaang lungsod ng Taguig gayundin sa faculty members nito.
“Ang tagumpay po na nakamit ng ating mga graduate ay nagbigay ng magandang reputasyon sa TCU lalo na sa mga nagnanais na maging guro. Ito’y makapaghihikayat din sa mga nagnanais na pumasok sa naturang propesyon na piliin ang TCU.” ayon pa kay Mayor Lani. (Lordeth Bonilla)
- Latest