Napolcom may abiso sa mga kukuha ng PNP exam
MANILA, Philippines - Naglabas ng mga panuntunan ang National Police Commission (Napolcom) para sa mga kukuha ng Philippine National Police (PNP) entrance at promotional examination ngayong Linggo, Nobyembre 9.
Isasagawa ang pagsusulit mula alas-8:00 hanggang alas-11:00 ng umaga sa Napolcom National Capital Region (NCR) testing center sa Makati City.
Ayon sa Napolcom, lahat ng kukuha ng pagsusulit ay inaabisuhang dalhin ang kanilang admission slip, lapis na Mongol 2, itim na ballpen gayundin ang anumang valid ID card na may larawan at lagda ng examinee.
Mahigpit namang ipinagbabawal ang pagdadala ng anumang uri ng electronic gadget sa testing center tulad ng cellphone, beeper, calculator, two-way radio at mga kauri nito.
Bawal ding magdala ng mga review material, explosives, baril at anumang uri ng deadly weapon.
Sa mga kukuha ng entrance exam, kailangang nakasuot ng puting t-shirt o polo shirt, dark pants at sapatos habang sa promotional examinations ay kailangang naka-Type B uniform o PNP patrol uniform.
Sinumang hindi tutugon sa mga nasabing panuntunan ay babawalang pumasok sa testing center para kumuha ng pagsusulit.
- Latest