Witness vs Bong tinuruan
MANILA, Philippines - Umamin kahapon ang isang testigo laban kay Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na tinuruan siya ng prosecution ng sasabihin para madiin ang Senador sa kinakaharap na plunder case.
Tahasang inamin ng NBI witness na si Joey Narciso sa Sandiganbayan na tinuruan siya kung paano niya sasagutin ang investigation, kung kani-kaninong mga pangalan lang ang dapat na nandun, at kung sino ang ididiin.
Inamin ng NBI witness na walang paraan para masabi niya na si Benhur Luy nga ang gumawa ng files na nasa Hard Disk Drive (HDD).
Sinabi ng testigo na ang mga files sa HDD ni Benhur Luy ay nabuksan at na-save nitong 2013 lang. Ibig sabihin, inedit pa ang mga files noong 2013 o bago inakusahan sila Revilla. Hindi daw totoo na kinopya lang ang contents dahil may ebidensiya na ito ay “opened and saved” ilang taon na matapos ang sinasabing petsa ng pagkakagawa nito.
Nalagay sa isang malaking kahihiyan ang pamunuan ng NBI dahil sa nasabing hard disk ang tanging sandigan ng lahat ng mga pahayag ni Luy kaya siya pinaniwalaan ng publiko.
Dahil sa hindi maitayo ang plano nilang testimoniya na harapang giniba ng depensa ay lumabas na gumuho ang lahat ng testimoniya ni Luy at kasunod na rin nang pagguho ng testimoniya ng AMLC na umasa naman sa affidavit ni Luy.
Ayon sa Senador, nabunutan siya ng tinik sa pahayag ni Narciso na nangatal sa gitna ng cross examination.
Nauna rito, sinabi ni Revilla na handa niyang ibigay ang lahat ng kayamanan na ipinundar simula pa noong nagsimula siyang mag-artista sakaling may makitang ebidensya kahit katiting na siya ay lumustay ng pondo ng bayan.
Sinabi ito ni Revilla matapos na dumalo sa bail hearing sa Sandiganbayan bilang bahagi ng mga huling pagdinig kung saan papalapit nang magdesisyon ang korte kung kailan makakapaglagak ng piyansa.
- Latest