6 Tsino tiklo sa P30M shabu raid
MANILA, Philippines – Anim na Chinese nationals ang nadakip habang nakumpiska ang tinatayang P30 milyong halaga ng shabu sa ginawang pagsalakay ng mga tauhan ng Northern Police District sa hinihinalang laboratoryo sa Valenzuela City kahapon.
Kasama ng NPD Anti-Illegal Drugs Division ang Valenzuela City Police sa pagsalakay dakong alas-2:45 ng hapon sa 493 Omega 1st Malinta Industrial Estate Rincon sa Malinta base sa search warrant na inilabas ni Malabon Regional Trial Court Branch 174 Judge Celso Magsino, Jr.
Kinilala ni NPD Director, Chief Supt. Jonathan Miano ang mga naaresto na sina James Chua, Cai Chin, Cai Qing Chi, Leo Ching, Qing Shi, at isang hindi nakilalang Tsino.
Nabatid kay Valenzuela Police Chief, Sr. Supt. Rhoderick Armamento na ang pagsalakay ay resulta ng dalawang linggong surveillance operation.
Kayang lumikha ng 15 hanggang 20 kilo ng shabu kada araw sa naturang pasilidad na nagsusuplay din hindi lang sa Valenzuela kundi sa Caloocan, Malabon at Navotas.
Mas “high tech” na rin umano ngayon ang kagamitan ng sindikato kaya walang amoy na lumalabas sa laboratoryo kaya walang kaalam-alam ang mga residente sa iligal na operasyon.
Patuloy ang imbentaryo ng pulisya sa mga nakuhang ebidensya at interogasyon sa mga nahuling suspek.
- Latest