US Marine sangkot sa pagpatay sa transgender
MANILA, Philippines - Isang US Marine ang posibleng sangkot sa pagpaslang sa isang Filipino transgender sa Olongapo City.
Ayon sa ulat, isang miyembro ng US Marine ang kasalukuyang naka-detine sa barko nito pero hindi tinukoy ng US embassy ang pagkakakilanlan nito.
Sa ulat ng Olongapo City Police, dakong alas -12:05 ng madaling araw nitong Oktubre 12 ng madiskubre ang bangkay ng biktimang kinilalang si Jeffrey Laude alyas Jennifer, 26 anyos sa Room 1, Celzone Lodge na matatagpuan sa No.87 Ramon Magsaysay Drive, East Tapinac kung saan ay isang US serviceman umano ang kasamang nag-check in nito.
Batay sa CCTV ng lodging house, ay mag-isang lumabas ng nasabing hotel ang naturang miyembro ng US Marines na parang walang anumang nangyaring naglakad lamang ito.
Kaugnay nito, isinailalim na sa kustodya ng US Naval Criminal Investigative Service ang nasabing US Marine na hindi tinukoy ang pangalan.
Ang USS Peleliu ay kabilang sa tatlong warship ng Philippine Navy na ginamit sa katatapos na PHIBLEX joint military exercises ng PH Navy at ng counterpart nito sa mga sundalong Amerikano na nagtapos nitong nakalipas na linggo.
Nabatid pa ang nasabing US Marines ay nakatalaga sa 2nd Battalion, 9th Marines na nakabase sa Camp Lejeune, North Carolina.
- Latest