Buntis, bata ‘isinahog’ sa kinatay na missing sabungeros

MANILA, Philippines — Mistula umanong isinahog pati buntis at bata sa ginawa umanong pagkatay sa mga sabungero sa isang slaughterhouse sa Laurel, Batangas.
Ito ang ibinunyag ng whistleblower na si Julie Patidongan alyas “Totoy” nang tanungin siya hinggil sa mga natagpuang sako na may mga sunog na buto na pinaniniwalaang mga buto ng tao.
Sinabi ni Patidongan na wala siyang alam sa pagsunog ng mga taong pinatay dahil hindi naman naipadala sa kaniya ang video nito, maliban sa mga video ng pagdukot at karumal-dumal na pagkatay na parang baboy, na isinagawa sa mismong palaisdaan na pag-aari ng isang pulis, na malapit sa Taal Lake.
“Wala ako ideya sa mga nag-ano, hindi ako nasendan niyan yung sunog,” ani Patidongan.
Ang nakita niya sa video ay matapos patayin hinihiwa ang mga parte ng katawan para tanggalan ng dugo upang hindi lumobo, saka ilalagay sa sako na sinasamahan ng buhangin upang bumigat, bago itapon sa lawa.
“Halimbawa ngayon nila dukutin, kinabukasan pupunta ‘yan ng bahay, kukunin na yung P500,000 ‘yung suhol sa kanila,” aniya sa panayam ng ABS-CBN reporter.
Ang paraan aniya ng pagdukot ay “bawat entry”, na kung limang sabungero ang sangkot sa tiyope ay lahat dudukutin ng sabay-sabay at walang ititira, bago dalhin sa katayan.
“Obligado silang kunin lahat, hindi pwedeng itira yung isa…kaya nga may bata dun na nadamay…meron pa ngang buntis ‘di ba, yung naikuwento ko,” ani Patidongan.
May ilang pulis na diumano’y sangkot sa kaso ang nagpahiwatig na sila ay makikipagtulungan sa imbestigasyon.
“Meron na akong alam na kapag nasa Crame na sila, tatlo hanggang lima sa kanila ang papanig na at babaligtad na,” aniya.
Kabilang aniya sa sangkot na mga pulis ang isang lieutenant colonel na may call sign na “Vito” na nagsilbing team leader na nakatatanggap ng P2-milyon kada buwan.
- Latest


















