Lifestyle check kay Purisima sisimulan na
MANILA, Philippines – Siniguro ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na agad nilang sisimulan ang lifestyle check kay PNP Chief Alan Purisima.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Henares na hindi sila magsasagawa ng sariling lifestyle check kay Purisima kundi makakatulong sila ng DILG, National Police Commission, PNP at Office of the Ombudsman sa prosesong ito.
Tiniyak din nito na mauumpisahan na ang imbestigasyon bago magtapos ang taon dahil isinasapinal na lamang ang memorandum of agreement para sa kooperasyon sa lifestyle check at ang memorandum circular ng DILG para rito.
Ayon pa kay Henares, hindi na kailangan solong siyasatin ng BIR ang yaman ni Purisima dahil pareho lamang naman ang dokumento at mga ebidensyang sisilipin sa lifestyle check.
Maaari din umanong masilip ang deposito sa bangko ni Purisima dahil mayroong kapangyarihan dito ang Ombudsman base sa waiver na nakasaad sa Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN).
Sakali umanong mapatunayan na hindi tama ang deklarasyon sa SALN ni Purisima ay maaari itong makasuhan ng graft at paglabag sa code of conduct for government officials and employees.
Si Henares ay nagtungo sa Kamara para sa pagdinig ng Bangsamoro Basic Law o BBL.
- Latest