P10,000 benepisyo sa guro isinulong sa Senado
MANILA, Philippines - Isinulong ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano ang kagyat na pagpapatibay sa isang panukalang batas na magbibigay sa mga guro ng mga pampublikong paaralan ng P10,000 dagdag na support at compensation.
“Ang mga guro ang humuhubog sa mga kabataang Pilipino para maging responsableng mamamayan. Dahil na rin sa ating mga guro kung ano tayo ngayon. Sa mga kasamahan ko sa Senado, ipakita natin ang ating pasasalamat sa ating mga edukador sa pamamagitan ng pagpasa sa Senate Bill 94,” paliwanag ni Cayetano na nagmula sa pamilya ng mga guro.
Ginawa ni Cayetano ang panawagan kaugnay ng paggunita sa World Teachers Day ngayong Oktubre 5.
Sa Senate Bill 94 na inakda ni Cayetano, makikinabang dito ang mga public school teachers, locally-funded teachers, Philippine Science High School System teaching and non-teaching personnel, at non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd).
Kapag naaprubahan ang panukala, ang mga guro ay tatanggap ng dagdag na kompensasyong P9,000 na support sa anyo ng allowances at iba pang remuneration mula sa local school board funds, P1,000 allowance para sa medical check-up per year, at bonus para sa unpaid benefits na ipinagkakaloob ng Magna Carta for Public School Teachers.
Binanggit pa ni Cayetano ang isang pag-aaral ng World Bank na nagsasaad na ang mga guro ang pinakamahalagang salik sa mga nagagawa ng mga estudyante.
“Ang mas mataas na sahod ng mga guro ay katumbas ng mas mabuting kalidad ng edukasyon. At hindi tayo mapapagod sa pagsulong sa kalidad na edukasyon para sa kabataang Pilipino,” sabi pa ni Cayetano.
- Latest