Death Penalty binuhay sa Senado
MANILA, Philippines – Sinuportahan kahapon ng dalawang senador ang panukala na muling ibalik ang Death Penalty Law sa bansa sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga karumal-dumal na krimen kung saan isa sa mga pinakahuling biktima ay ang ina ng actress na si Cherry Pie Pichache na sa kabila ng edad nito ay walang awang pinatay at pinagnakawan pa.
Ayon kay Sen. JV Estrada, maging siya ay nag-aalala sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga heinous crimes sa bansa kabilang na ang kidnapping kaya ikinokonsidera niya ang pagsuporta sa panawagan na ibalik ang bitay. Inamin din ng senador na kahit siya ay nag-aalala para sa kanyang pamilya dahil hindi natutugunan ng kasalukuyang administrasyon ang problema sa peace and order ng bansa.
Ayon naman kay Sen. Tito Sotto, noon pang 9th Congress siya naghain ng panukala na ibalik ang parusang bitay partikular para sa mga krimen na may kinalaman sa droga.
Sinabi ni Sotto na ikinatutuwa niya dahil may mga grupo ngayon na nagsusulong na muling ibalik ang bitay. Naniniwala rin si Sotto na hindi na magbabago ang gumagawa ng mga karumal-dumal na krimen at uulit lamang ang mga ito sa kanilang kasalanan kung hindi mabibitay.
- Latest