Kaya mabagal ang hakot sa container vans Customs ‘di nagtatrabaho ng weekends - MMDA
MANILA, Philippines – Binira kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang hindi umano pagtatrabaho ng mga empleyado ng Bureau of Customs nitong nakaraang katapusan ng linggo kaya bumagal ang paghahakot ng mga container vans ng mga delivery truck sa Port Area.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na inaasahan sana nila na malaki ang maibabawas sa mga nakatambak na container vans ngayong pagtatapos ng linggo lalo na’t teknikal na nagtapos na ang “last mile policy” nila para sa mga delivery trucks.
Ang naturang polisiya ay ibinigay nila sa higit 100 trak na pinapayagan nilang dumaan sa mga hindi idineklarang truck lane hanggang sa kanilang mga bodega kung magtatrabaho ang mga trucking services ng Sabado, Linggo at Lunes ng umaga. Ngunit dahil sa hindi umano nagtrabaho ang mga taga Customs at maging taga-Philippine Port Authority (PPA) ay halos hindi rin napakinabangan ito.
Naniniwala naman si MMDA Asst. General Manager Emerson Carlos na nakatulong din ang “Last Mile Policy” para ma-decongest ang Port Area ngunit hindi naging sapat sa kanila sanang target.
Hindi naman umano katwiran ang masamang panahon sa pagtatrabaho dahil ang mga tauhan ng MMDA ay hindi tumitigil sa trabaho kapag weekends lalo na’t maituturing na krisis ang kinakarahap sa tambak na container vans sa pier.
- Latest