Mandatory PhilHealth insurance sa senior citizens aprub sa Senado
MANILA, Philippines - Aprub na sa ikalawang pagbasa sa Senado ang panukalang batas na naglalayong maging mandatory ang health insurance ng mga senior citizens sa ilalim ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Makikinabang sa nasabing panukala na nakapaloob sa Senate Bill 712 ang lahat ng senior citizens sa bansa na hindi pa lifetime members ng PhilHealth.
Sa ngayon ang mga mahihirap lamang na senior citizens ang nabibigyan ng pribilehiyo sa PhilHealth sa ilalim ng Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Paliwanag ni Sen. Ralph Recto, nagsusulong ng panukala, sa ngayon ay hindi malinaw o nagkakaroon ng “grey area” kung papaano ikokonsiderang mahirap ang isang senior citizen na hindi rin kayang maipa-enroll ang sarili sa PhilHealth.
Panahon na aniya para maging automatic ang enrollment ng mga senior citizens sa PhilHealth at hindi optional.
Sa sandaling magdiwang aniya ng ika-60 kaarawan ang isang mamamayan dapat ay awtomatiko rin itong magiging miyembro ng PhilHealth.
- Latest