Calleja: Walang suhulang naganap
MANILA, Philippines - Itinanggi ng abogado nina Cedric Lee at Deniece Cornejo na sinuhulan nila ang huwes na may hawak ng kasong isinampa laban sa kanila ni TV host Vhong Navarro.
Ayon kay Howard Calleja sa loob lamang ng korte niya nakakausap si Judge Paz Esperanza Cortes ng Taguig City Regional Trial Court Branch 271.
Sinabi rin ni Calleja na hindi niya ipinapanalo ang isang kaso sa pamamagitan ng pagbibigay ng suhol.
"I am categorically saying I haven't talked to the judge, I haven't met her ... whatever conversation we have is in court, in open court with everybody seeing," ani Calleja sa isang panayam sa dzMM noong Miyerkules ng gabi.
Iginiit pa ng abogado na marami ring desisyon na ibinaba si Cortes na hindi pabor sa mga kliyente niya kaya hindi dapat pagdudahan ang integridad ng huwes.
"We were able to be granted bail, not for any other reason but for the merits of the case," ani Calleja.
Dagdag pa ng abogado: "Buong takbo ng kaso, marami pong desisyon si judge na hindi pabor sa amin. Maraming desisyon na pabor kina Vhong Navarro. Pero narinig mo ba 'kong magreklamo? Narinig mo ba ang kampo namin na nagsabing hindi patas yung judge? Lahat kami sumunod sa lahat ng utos ng judge na 'yan, pero ano'ng ginawa nila?"
Pumalag ang kampo ni Navarro sa desisyon ni Cortes na payagang magpiyansa sina Lee at Cornejo para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Sinabi ng huwes sa kanyang desisyon sa bail petition nina Lee at Cornejo na hindi napatunayan ng mga abogado ni Navarro na may serious illegal detention na nangyari.
Bukod sa kasong serious illegal detention, sinampahan din ng kampo ni Navarro ng kasong grave coercion ang tropa ni Lee.
- Latest