Philippine peso malamang maging isang global currency
MANILA, Philippines - Ipinagmalaki ngayong Huwebes ni Pangulong Aquino sa Filipino community sa Paris na malamang na maging isang global currency na ang pera ng Pilipinas.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga Pinoy sa France, bilang bahagi ng kanyang European tour, ibinalita ni Aquino na isang malaking international bank ang nagsabi mismo sa kanya na dapat nang i-globalize ang Philippine peso.
"Ibig sabihin po noon magiging currency na parang dolyar na itinetrade ng ibang bansa," ani Aquino.
Nilinaw naman ng Pangulo na hindi siya kaagad-agad sumang-ayon sa mungkahi ng opisyal ng naturang bangko. Sa halip, inatasan niya si Finance Secretary Cesar Purisima na pag-aralan itong mabuti.
Aniya, ang malinaw sa naturang mungkahi ay talagang mabango na ang Pilipinas sa mundo lalo na sa mga bansang naghahanap ng ibang lugar na puwedeng pagpamuhunanan.
Nasa France si Aquino bilang bahagi ng kanyang European tour. Nauna nang nakipagkita ang pangulo kay French President Francois Hollande sa Elysse Palace kung saan sinigurado niyang bukas na bukas na ang Pilipinas sa negosyo.
Ipinagyabang ni Aquino sa mga nauna niyang pulong ang mga nakamit ng kanyang administrasyon kung ang pag-uusapan ay ang pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.
Binanatan na rin ni Aquino si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo dahil sa umano'y pag-angkin nito sa mga tinatamasa ngayon ng Pilipinas dahil sa mga repormang kanyang ipinapatupad.
- Latest